Dalawang senador, hihilingin sa pangulo ang pagtatalaga na ng LWUA administrator

Hihilingin nila Senators Ronald ‘Bato’ dela Rosa at Robin Padilla kay Pangulong Bongbong Marcos na magtalaga na ng administrator sa Local Water Utilities Administration o LWUA.

Sinabi ng dalawang senador na sila mismo ay pupunta sa Palasyo para hilingin ito.

Sa budget hearing ng LWUA ay naitanong ng mga senador kung ano na ang estado ng bulk water system sa Marawi City na matagal nang natengga.


Ayon kay LWUA OIC Eileen dela Vega, bagama’t may development na sa pagtatayuan ng equipment sa bulk water system para sa suplay ng tubig may ilang programa naman ang hindi pa magawa dahil walang full-fledged administrator na pipirma rito.

Paliwanag ni Dela Vega, dahil sa limitasyon ng kanyang kapangyarihan bilang OIC ay hindi niya maipatupad ang ilang programa lalo na para sa Marawi.

Sa ngayon aniya ay puro rekomendasyon lang ang kanilang ginagawa at nangangailangan ng approval ng administrator o di kaya naman ng Board of Trustees.

Facebook Comments