
Nagbanggaan ang mga posisyon nina Senator Kiko Pangilinan at Senator Rodante Marcoleta tungkol sa hangganan ng West Philippine Sea.
Ang debate ay sa gitna na rin ng interpelasyon sa Senate Resolution 256 na isinusulong ng 15 senador na kumukundena sa pagbatikos ng Chinese embassy sa mga opisyal ng bansa.
Ayon kay Marcoleta, hindi klaro ang hangganan ng West Philippine Sea na inaangkin ng Pilipinas dahil wala pang coordinates na nagagawa para rito kaya mahihirapan ang bansa na idipensa ang inaangking teritoryo.
Sinopla naman ito ni Pangilinan at ikinatwiran na naipanalo na ng Pilipinas sa international tribunal ang karapatan sa West Philippine Sea.
Kasabay nito ay tinanong ni Pangilinan si Marcoleta na hindi ba dapat ay suportahan ang AFP at DND sa halip na bigyan ng “benefit of the doubt” ang China sa motibo nila na pagbanat sa mga opisyal ng pamahalaan.
Sinuportahan naman nila Senate President Tito Sotto III at Senator Risa Hontiveros ang posisyon ni Pangilinan na parehong iginiit na ang China ay wala ring fixed at internationally recognized na geographic coordinates sa inaangkin na West Philippine Sea.










