Arestado ang dalawang South Korean nationals na sangkot sa telephone fraud o voice phishing sa Barangay BF Homes sa Parañaque City.
Ayon sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), ang mga naarestong Koryano ay may Interpol red notice sa South Korea para sa panloloko ng mga biktima na nagkakahalaga ng 2.8 billion Korean won o higit 115 million pesos.
Dagdag pa rito, posibleng miyembro ang mga ito ng isang sindikato kung saan nakakakuha sila ng pera mula sa mga biktima nito na nagpapakilala bilang mga opisyal ng bangko o mga nagbebenta sa isang call center.
Napag-alaman naman ng mga otoridad na ang isa sa mga suspek ay pinaniniwalaang “underboss” ng isang criminal group na nag-ooperate ng mga voice phishing call centers sa ilang tanggapan sa Metro Manila na nakakubra ng higit 210 million pesos sa 215 biktima nito sa loob lamang ng anim na buwan.
Nasa kustodiya na ang dalawa ngayon ng Bureau of Immigration (BI).