
Dalawang lalaki ang naaresto sa magkahiwalay na anti-illegal drugs operation na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga bayan ng Aguilar at San Jacinto sa magkahiwalay na araw.
Ayon sa police report, unang naaresto ang isang 48-anyos na lalaki sa bayan ng Aguilar, Pangasinan kahapon ng gabi. Ang operasyon ay isinagawa ng Aguilar Municipal Police Station (MPS) sa koordinasyon ng PDEA RO1. Narekober mula sa suspek ang 0.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱3,400, kasama ang buy-bust money na ₱500.
Samantala, isang 33-anyos na lalaki naman ang naaresto sa San Jacinto, Pangasinan kaninang madaling araw. Ang operasyon ay isinagawa ng San Jacinto MPS, katuwang ang PDEA RO1. Sa isinagawang buy-bust, nasamsam sa suspek ang 0.8 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang ₱5,440, pati ang buy-bust money at iba pang ebidensya.
Isinagawa ang on-site na imbentaryo at pagmamarka ng mga nakumpiskang ebidensya sa harap ng mga mandatory witnesses at ng mga suspek, alinsunod sa itinakda ng batas.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang dalawang naarestong suspek, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









