Iprinisinta ng National Bureau of Investigation (NBI) sa media ang dalawang suspek kasama ang ninakaw na 88 years “Mango Harvesters” na obra ni national artist Fernando Amorsolo na napaulat na nawala sa Holifeña Museum sa Silay, Negros Occidental noong July 3.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, natunugan ng NBI na ibinebenta umano ng isang Atty. Ching ang nawawalang painting sa halagang ₱3.2 million.
Dito na nagkasa ng entrapment operation ang NBI matapos na magkasundo ang mga suspek at ang asset ng NBI na magkikita sa Thomas Morato, Quezon City kahapon, at nang magpositibo ang transaksyon ay dito na dinakma ang dalawa.
Nakakulong ang suspek na sina Ritz Ching Donecio Solaymo na nahaharap sa kasong paglabag sa P.D. 1612 o Anti-Fencing Law.
Habang ang Mango Harvester painting ay isasailalim sa authentication process upang matiyak kung tunay ang nasabing obra at pinoproseso na rin ng NBI at National Museum ang pag-turn-over sa obra.
Si Fernando Amorsolo ay tanyag sa kanyang husay sa paglalarawan ng mga tanawin at pang-araw-araw na eksena sa kanayunan ng Pilipinas tulad ng “Mango Harvester” na ipinta noong 1936 na ngayon ay may market value na aabot sa 12 hanggang 20 milyong piso.