Arestado ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang suspek sa robbery hold up sa Barangay San Isidro.
Sa ulat, hawak ng biktimang si Diem Garcia ang kanyang cellphone habang hinihintay ang live-in partner niya na si Dennis Mariano sa bahagi ng Cordillera Street nang tigilan siya ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.
Tinakot ng mga suspek na kinilalang sina Mark Gil Conception at Analdo Ebores ang biktima at tinutukan ito ng baril saka sapilitang inagaw ang hawak nitong cellphone.
Matapos ang panghahablot ay mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyong pa-Maynila.
Sinundan sila ng live-in partner ni Garcia at nang matunton ang kinaroroonan ng mga suspek ay nagsumbong na sila sa Galas Police Station 11 na agad namang nagsagawa ng operasyon.
Naaresto ng mga pulis ang mga suspek sa bahay mismo ni Concepcion.
Nakumpiska rin sa kanila ang isang .38 revolver na kargado ng apat na bala, isang Honda Click motorcycle at ang cellphone ng biktima.
Sinampahan na ang mga suspek ng kasong may kaugnayan sa Robbery at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.