Dalawang testigo vs Quiboloy, humarap sa Senado

Humarap sa imbestigasyon ng Senate Committee on Women and Children ang dalawang dating myembro ng Sonshine Media Network International (SMNI) upang ilahad ang mga pang-aabusong naranasan sa kamay ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy.

Ang mga ito ay sina alyas “Rene” na nagsilbing researcher ng SMNI News sa Makati at si alyas “David” na dating cameraman sa Davao studio at nagpakilala rin ito sa komite bilang apo ni Quiboloy.

Sa testimonya ng dalawa, kapwa sila nagsimula sa Keeper’s Club International, isang youth organization na nagre-recruit ng mga kabataan at pinapangakuan ng scholarship at pag-aaralin sa Jose Maria College (JMC).


Batay pa sa pahayag nina alyas “Rene” at alyas “David” ay nakaranas sila ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso sa loob ng KOJC kung saan sila ay pinagpapalimos na may quotang dapat na makuha at pinagtitinda ng pastillas, candies, macapuno, at iba pa.

Sinabi ni alyas “Rene” na batid ng kanyang mga boss sa SMNI ang panlilimos dahil pagkatapos ng kanyang duty sa studio ay diretso siya sa lansangan para manlimos habang si alyas “David” ay nakaranas na ibartolina matapos na isumbong ng kanyang reporter na may nobya siyang reporter sa ibang himpilan.

Facebook Comments