Dalawang Trabahador ng Lasuerte Rice Mill sa Burgos Isabela, Naaksidente- Isa Patay!

Burgos, Isabela – Isa ang patay sa dalawang trabahador ng Lasuerte Rice Mill matapos maaksidente ang kanilang sinakyang motorsiklo sa Brgy. Malasin, Burgos, Isabela.

Kinilala ang drayber ng Mio Soul na si Jhun Aglutay Parchamento, apatnapu’t isang taong gulang, may asawa, at residente ng Brgy. San Pedro, San Pablo, Isabela habang ang back rider ay si Sonny Baniqued Edralin, limampu’t tatlong taong gulang at residente ng Brgy. Malasin, Aurora, Isabela.

Sa imbestigasyon ng PNP Burgos, habang bumabaybay umano ang motorsiklo ng mga biktima sa kahabaan ng nasabing lugar ay nag-overtake sa isang traysikel partikular sa pakurbang bahagi ng daan kung saan ay hindi na umano nakontrol ni Parchamento ang manibela at aksidenteng natumba sa daan.


Sa lakas ng impak ay tumilapon ang mga biktima lalo na si Edralin na nagtamo ng matinding sugat sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan habang si Parchamento ay nagtamo rin ng sugat sa katawan.

Nagresponde naman ang ambulasya ng LGU Burgos at itinakbo sa Isabela Provincial Hospital ang mga biktima ngunit dead on arrival na si Sonny Edralin.

Nasa himpilan na ng Burgos Police Station ang single motor para sa karagdagang imbestigasyon at disposisyon.

Facebook Comments