Echague, Isabela – Kinumpirma ng pamunuan ng bio-ethanol plant na nasunog ang dalawang tractor at isang trailer na umano’y kagagawan ng mga miyembro ng New People’s Army kagabi sa Purok 1 Brgy. Babaran, Echague, Isabela.
Ayon kay ginoong Marcelo Karaan, isa sa mga opisyal ng one Renewable Energy o mas kilala dati na Eco Fuel Company na namamahala sa Bio-ethanol Plant sa San Mariano Isabela, na limitado muna sa ngayon ang kaniyang pahayag dahil sa hinihintay pa umano ang karagdagang report ng kanilang security officer kung saan ay nagsasagawa na ng pagsisiyasat sa naturang pangyayari.
Samantala, sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Echague, umalis umano sa lugar dahil sa takot ang tractor operator ng Eco Fuel Company na kinilalang si Jomar Espiritu Aznan, nang makita nito ang apat na lalaki na may mga hawak na malalaking klase ng baril at nakasuot ng coumoflage na jacket.
Pagbalik umano ni Aznan sa lugar sa oras na alas syete kagabi ay nakita niya ang tatlong equipment ng kumpanya na nasunog na kung saan ang isang tractor ay tinupok ng apoy at ang dalawa ay bahagyang nasunog.
Hanggang sa ngayoon ay patuloy ang imbestigasyon ng pamunuan ng PNP Echague sa naganap na panununog.