Dalawang Truck, Nagbanggaan sa Aurora, Isabela!

*Aurora, Isabela- *Nagbanggaan ang dalawang sasakyan pasado alas otso kagabi sa pambansang lansangan ng Brgy. Saranay, Aurora, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 RMN Cauayan, nakilala ang driver ng Isuzu Giga Truck (Tractor Head) na may plakang BUA 3357 na si Pablo Pacion, 35 anyos, residente ng Brgy. Maddarulug Sur, Enrile, Cagayan habang ang driver naman ng Isuzu Forward Truck na may plakang CTP 271 ay nakilalang si Alvin Jimenez, 28 anyos, residente naman ng Herrera St. Malapit, San Isidro, Nueva Ecija.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Aurora, magkasalungat na binabagtas ng dalawang sasakyan ang nasabing lansangan nang mag-overtake sa sinusundang sasakyan si Pacion kaya’t napunta ito sa kabilang linya na binabagtas ng kasalubong na truck na minamaneho ni Jimenez.


Dahil dito, natagis ni Pacion ang kasalubong na truck at wala namang nasaktan o nasugatan sa nangyaring banggaan.

Dinala sa himpilan ng Aurora Police Station ang dalawang sangkot na sasakyan para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposisyon.

Facebook Comments