Tuesday, March 31, 2026

DALAWANG TULAK NG DROGA, ARESTADO SA MAGKAHIWALAY NA OPERASYON SA PANGASINAN

Dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation na isinagawa ng kapulisan sa mga bayan ng Labrador at Pozorrubio.

Sa Labrador, nagsagawa ng operasyon ang Labrador Municipal Police Station (MPS) sa koordinasyon ng PDEA Regional Office 1. Nahuli ang isang 38 anyos na lalaki na isang delivery rider at residente ng Bugallon, Pangasinan, na itinuturing na Street Level Individual (SLI).

Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 0.41 gramo at tinatayang halagang PhP2,788.

Samantala, sa Pozorrubio, naaresto rin ang isang 23 anyos na lalaki na mekaniko at residente ng La Trinidad, Benguet sa hiwalay na operasyon ng Pozorrubio MPS, katuwang din ang PDEA RO1.

Nasamsam mula sa suspek ang siyam na sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana na may kabuuang bigat na 18 gramo at tinatayang halagang PhP2,160.

Tulad ng unang operasyon, isinagawa rin ang maayos na imbentaryo at pagmamarka ng mga ebidensya sa lugar ng insidente alinsunod sa itinakda ng batas.

Patuloy ang pinaigting na kampanya ng kapulisan sa Pangasinan laban sa ilegal na droga bilang bahagi ng kanilang layunin na mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments