Dalawang Tulak ng Shabu, Huli sa Buy-Bust Operation

Tuguegarao City, Cagayan – Timbog ang dalawang tulak ng illegal na droga matapos na magsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na puwersa ng PDEA at Phil. National Police (PNP) Tuguegarao kahapon, Enero 17, 2018.

Ayon sa report, dakong alas tres singkwenta ng hapon ng madakip ang suspek na kinilalang si Leah Gaduang, 26 anyos, at residente ng Brgy. Caggay, Tuguegarao City.

Nakuha sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu, dalawang cellphone, make-up kit, 1,000 pesos buy-bust money na nakalagay sa kanyang pink shoulder bag.


Bandang alas singko kwarenta naman ng hapon nang makumpiska kay Pedro Casibang, 36 anyos na residente ng Barangay Buntun, Tuguegarao City, ang isang transparent sachet ng hinihinalang shabu, isang celphone, buy bust money na nagkakahalaga ng 1,000 pesos, isang kulay blue at itim na wallet, at SYM motorcycle.

Sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay P02 Christopher Ferrer, imbestigador ng PNP Tuguegarao, kanyang ibinahagi na dati na rin umanong nasangkot sa kaso ng droga ang dalawa ngunit nabasura dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.

Dagdag pa ni PO2 Ferrer, nahuli ang dalawa matapos kagatin ng mga ito ang pain ng mga otoridad na nagkunwaring bibili ng ipinagbabawal na droga.

Nasa kustodiya na ng kapulisan ang dalawang suspek na nahaharap sa kasong selling and possession of illegal drugs at paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments