Magkasunod na insidente ng pagkakahuli at pagkakatagpo ng dalawang uri ng kwago ang naiulat sa bayan ng Santo Tomas, Pangasinan, na agad namang itinurn-over ng mga residente sa mga awtoridad.
Sa unang insidente, isang grass owl ang naipit sa lambat na ginagamit ng isang magsasaka. Sa sumunod na pagkakataon, natagpuan naman ng mga residente ang isang Philippine Scops Owl na hirap lumipad at tila may iniindang pinsala.
Ipinagbigay-alam agad ng mga residente ang kanilang natagpuan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Urdaneta City, kung saan kasalukuyan nang sumasailalim sa rehabilitasyon at obserbasyon ang dalawang ibon. Ayon sa DENR, muling pakakawalan sa kanilang natural habitat ang mga kuwago sa oras na bumuti ang kanilang kalagayan.
Bilang paalala, hinikayat ng DENR ang mga mamamayan na iwasang gambalain ang mga tirahan ng maiilap na hayop at agad na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sakaling makatagpo ng mga hayop na nangangailangan ng tulong.
Ang mga kuwago ay kabilang sa mga importanteng bahagi ng ekosistema dahil sila ay natural na predator ng mga peste at maliliit na hayop na nakakaapekto sa kabuhayan ng mga magsasaka. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









