Sinita ni Foreign Relations Committee Chairman Senator Imee Marcos ang dalawang pang US Military Aircraft na namataan nitong Biyernes at Sabado sa bansa.
Nito lamang Biyernes nang ma-monitor ang isang US Air Force C-17 na may flight code RCH244 na lumapag sa Maynila na nagmula sa Andersen Air Force Base sa Guam, lumipad pa-Palawan bago mag ala-una ng hapon at bandang alas-kwatro ng hapon dumiretso ito sa Yokota Air Base sa Fussa, Japan.
Habang ang isang C-17 military plane na may flight code RCH323 na umalis ng Tokyo ng gabi ng Biyernes ay namataan sa Busuanga kinabukasan ng umaga ng Sabado pero hindi na ito nasubaybayan hanggang sa nakita na lamang ito sa Polillo Island bago makalabas ng teritoryo ng Pilipinas lampas alas-sais ng gabi.
Sa nangyaring ito, duda si Sen. Marcos na posibleng pinalala ng mga pasikretong paglipad sa bansa ng mga US military plane ang namumuong tensyon sa South China Sea at Taiwan Strait.
Dahil dito, umapela na ang senadora sa AFP, DND at sa DFA na alamin kung may kinalaman nga sa mga palihim na pagpasok sa bansa ng mga US military aircraft ang lumalalang tensyon sa ating teritoryo at pinatitimbang din ang panganib na maaaring idulot nito sa ating bansa.
Hirit ni Sen. Marcos, bagama’t batid niyang may foreign military exercises ngayong buwan sa bansa, hiling niya sa gobyerno na maging patas ang pagsubaybay sa ating maritime territory at exclusive economic zone (EEZ) gayundin ang Philippine air traffic rules at joint military agreement ng bansa sa U.S.