Dalawang venue ang naka-set up sa Lunes para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay RTVM Executive Director Demic Pabalan, dalawang venues ang nakahanda sa SONA, ang Mababang Kapulungan at ang Malakanyang.
Paliwanag ni Pabalan, ginawa nila ito sakaling magkaroon ng last minute changes o aberya sa araw ng SONA ng Pangulo.
Aniya, sakaling mataas ang bilang ng mga magpositibong guest sa gagawing swab at rapid testing ay posibleng magswitch-over sila sa Malakanyang at doon na magsagawa ng kaniyang ulat sa bayan si Pangulong Duterte.
Hindi naman ito ipinagbabawal dahil ilang Pangulo ng bansa na rin noon ang nagsagawa ng kanilang SONA sa labas ng Batasan at naging tradisyunal na lamang na gawin ang SONA sa plenaryo ng Kamara.
Samantala, sa ikatlong pagkakataon ay si Bb. Joyce Bernal ulit ang magiging director ng SONA ng Pangulo.
Ipagbabawal naman na ang live singing ng Lupang Hinirang at sa halip ay video playback na lamang ang gagawin kung saan mga bata na kumakatawan sa Luzon, Visayas at Mindanao ang kakanta ng pambansang awit.
Sinabi naman ni House Sec. Gen. Atty. Jose Luis Montales na wala na ring welcoming committee na sasalubong at kakamay sa Pangulo sa pagdating nito sa Lunes bilang pagsunod na rin sa health protocols.
Posibleng diretso na ito sa Speaker’s Office para maghintay o kaya naman ay sa mismong plenaryo na para maghatid ng kanyang ulat sa bayan.