Dalawang indibidwal na may kinakaharap na kaso ng estafa ang matagumpay na naaresto ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa bayan ng San Nicolas, Ilocos Norte.
Bandang alas-10:12 ng umaga, unang naaresto ang isang 61 anyos na babae sa bisa ng Warrant of Arrest kaugnay ng dalawang bilang ng Estafa (Swindling) sa ilalim ng Article 315 Paragraph 2(a) ng Revised Penal Code. Itinakda ang piyansa sa halagang ₱12,000 bawat kaso. Matapos ang pag-aresto, siya ay agad na dinala at isinailalim sa kustodiya ng San Nicolas Municipal Police Station (MPS).
Samantala, bandang alas-11:57 ng umaga ng parehong araw, isa pang babae na 31 anyos ang naaresto rin sa bisa ng Warrant of Arrest para sa kasong Estafa (Article 315 Paragraph 2(a) ng Revised Penal Code). Ang itinakdang piyansa para sa kanyang kaso ay ₱12,000. Siya ay kasalukuyan ding nasa kustodiya ng San Nicolas MPS.
Ang dalawang operasyon ay pinangunahan ng San Nicolas MPS katuwang ang Regional Intelligence Unit (RIU), Regional Intelligence Division PRO1 (RID-PRO1), Provincial Intelligence Unit (PIU), 101st Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB1), at 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company ng PROCAR.
Pinuri ng kapulisan ang maayos na koordinasyon ng mga operatiba at muling iginiit ang kanilang patuloy na kampanya laban sa kriminalidad upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.










