DALOY NG TRAPIKO SA MGA ESKWELAHAN, ‘MANAGEABLE’ PA

Sa muling pagbabalik ng full face to face classes ng mga mag-aaral sa Lungsod ng Cauayan, iginiit ni POSD Chief Ret Col. Pilarito Mallillin na ‘Manageable’ pa ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa lungsod lalo na sa mga patungong eskwelahan.

Sa ating panayam kay POSD Chief Mallillin, nagkakaroon lang naman aniya ng heavy traffic sa ilang bahagi ng Lungsod pagpatak ng pasado alas sais hanggang alas syete ng umaga at pasado alas singko ng hapon.

Dahil ito sa sabay-sabay na pagpasok at uwi ng mga estudyante, guro, mga empleyado at iba pang commuter.

Gayunman, kayang-kaya naman aniya itong pangasiwaan ng POSD katuwang ang mga opisyal ng barangay sa tulong na rin ng binuong re-routing scheme sa mga papasok at palabas ng eskwelahan.

Katunayan aniya ay wala pang naitatala na anumang insidente na sanhi ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga daanan papunta sa mga schools lalong lalo na sa mga malalaking paaralan

Paalala nito sa mga motorista lalo na sa mga traysikel drivers na sumunod lamang sa ipinatupad na bagong rerouting scheme sa paligid ng mga eskwelahan para makaiwas sa paglabag at maiwasan ang buhol-buhol na traffic.

Facebook Comments