Daloy ng trapiko sa P. Burgos Avenue sa Maynila, apektado matapos tumagilid ang isang closed van

Nagdulot ng mabagal hanggang sa masikip na daloy ng trapiko ang isang closed van na tumagilid sa Maynila.

Partikular sa bahagi ng Padre Burgos Avenue malapit sa National Museum at Intramuros.

Ang nasabing sasakyan na may plate number na AAX-1587 ay tumagilid matapos mawalan ng kontrol ang hindi pinangalanang driver dahil sa umano’y mabilis na takbo nito.

Nangyari ang insidente pasado alas-5:00 ng umaga kung saan hindi naman nasugatan ang driver at pahinante pero halos nasakop ng tumagilid na van ang dalawang lane ng kalsada.

Mag-aalas 8:00 ng umaga nang tuluyang matanggal ang closed van sa tulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) habang nakiisa rin ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na ilipat ang laman mga package nito sa dalawang L300 van.

Facebook Comments