Friday, January 16, 2026

Dami ng pera, tauhan, resources, at maaaring pagtaguan, hamon para sa nagpapatuloy na manhunt operation sa negosyanteng si Atong Ang na itituturong utak sa Missing Sabungero Case

Aminado ang National Bureau of Investigation (NBI) na isa sa mga hamon sa kanila at sa iba pang ahensya ng pamahalaan ang dami ng pera, tauhan, at resources ni Atong Ang.

Hanggang sa ngayon kasi ay hindi pa rin nahahanap ang naturang negosyante na iniuugnay sa kaso ng “missing sabungero.”

Ayon kay NBI Asst. Director for Investigation Service Rommel Vallejo na bagama’t alam nilang maraming resources si Ang ay hindi umano ito hadlang para matugis ang business tycoon.

Sa pagtatanong pa ng DZXL News, sinabi rin ni Vallejo na patuloy na sinusuyod ng kanilang tracking teams ang mga property at known address ni Ang, hindi lamang sa Metro Manila, maging sa mga karatig lalawigan.

Una nang nasuyod ng mga awtoridad ang bahay nito sa Pasig, Mandaluyong, Laguna, at Batangas.

Kahapon nang pormal nang inanunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang alok na P10 milyon sa makapagtuturo sa negosyanteng itinuturing na rin na “most wanted ng Pilipinas.”

Facebook Comments