DAPAT BAGUHIN | Template sa pagkansela ng klase at pasok sa trabaho tuwing may bagyo, hiniling ng isang kongresista na palitan na

54

Manila, Philippines – Pinapapalitan na ang template na sinusunod para sa kanselasyon ng klase tuwing may bagyo o ang Executive Order 66 noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Ayon kay Una Ang Edukasyon Party list Representative Salvador Belaro, masyado ng lipas ang sinusunod na EO 66 para sa pagkansela ng klase na ang basehan ay public storm warning signals.

Pero giit ng kongresista, iba na ang lakas ng mga bagyo ngayon na kahit signal # 2 ay napakalakas na at maging ang tuluy-tuloy na malakas na pag-ulan tulad ng habagat na kahit walang bagyo ay nagdudulot na ng matinding pagbaha.

Inirekomenda ni Belaro na ipasa na sa Mababang Kapulungan at gawing template ang House Bill 6072 para pagbasehan ng kanselasyon ng pasok sa klase at trabaho.

Maaari aniyang i-update at i-reconfigure ang template depende sa lakas ng ulan, dami ng tubig, pagtaas ng ilog at pagbaha gamit ang mga monitoring devices para dito na siya namang gagawin nang basehan sa suspensyon ng klase at pasok sa trabaho.

Ang bagong template ay hindi lamang para sa pagsukat ng tindi ng pag-ulan o bagyo para sa suspensyon ng pasok kundi gagamitin din para sa ibang kalamidad tulad ng lindol, landslides, tsunami, storm surge, toxic chemical spills, sunog at maging sa mga insidente tulad ng hostage-taking, kidnapping, terrorism, at state of emergency.

Facebook Comments