Manila, Philippines – Hindi nagustuhan ng may-akda ng panukala ng Anti-Hazing sa Kamara ang pagtatanggol na ginawa ni PNP Chief Ronald Bato dela Rosa sa hazing sa loob ng police at military academy.
Naunang dinepensahan ni Dela Rosa na ang hazing ay mahalaga para patatagin ang mga kadete bilang paghahanda bago maging pulis at sundalo.
Dahil dito, hinamon ni Bagong Henerasyon PL Rep. Bernadette Herrera-Dy si Dela Rosa na mahigpit na ipatupad ang bagong anti-hazing measure na naunang pinagtibay na sa Kongreso.
Umaasa si Herrera-Dy na hindi paiiralin ng PNP Chief ang hilig nito sa hazing matapos na ihalimbawa ni dela Rosa ang kanyang sarili na naging matibay dahil sa mga dinanas sa akademya.
Giit ni Herrera-Dy, hindi na dapat maulit na may magbuwis ng buhay dahil sa hazing tulad sa nangyari sa UST Law student na si Atio Castillo.
Ang bagong Anti-Hazing Law ay ratipikado na ng dalawang kapulungan at naghihintay na lamang ng pirma ni Pangulong Duterte para maging batas o pwede din naman itong hindi mapirmahan pero magla-lapse ito bilang batas.