Manila, Philippines – Pinagso-sorry ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) sa news agency na Reuters si PNP Chief Ronald Dela Rosa.
Kasunod ito ng naging pahayag ng PNP Chief na paninira lang sa kanilang hanay ang balitang inilabas ng Reuters tungkol sa umano’y kwestiyonableng illegal drugs operation ng Manila Police District sa Tondo, Maynila.
Sa kanyang pagtataggol sa mga pulis-Maynila, tila tinawag ding drug addict ni Dela Rosa ang dalawang mamamahayag ng naturang international news agency.
Sa inilabas na pahayag ng NUJP, dapat na bawiin ni Dela Rosa ang naging pahayag niya laban sa Reuters at mag-sorry partikular sa mga writer na sina Clare Baldwin at Andrew R.C. Marshall.
Dapat ding tiyakin ng PNP ang kaligtasan nila dahil sa posibleng kalabasan ng umano’y irasyonal at iresponsable niyang mga banat.
Nakaaalarma din anila na mismong si Dela Rosa pa na dapat sana ay siyang mahigpit na nagpapatupad ng rules of evidence ay siya pang nag-aakusa nang walang basehan.
Nabatid kasi na bagama’t hindi pa nababasa ni Dela Rosa ang report ay pinagdudahan na nito ang motibo ng Reuters sa paglalabas ng balita.
Sa huli, umapela ang NUJP sa PNP Chief na irespeto ang kalayaan ng media sa pamamahayag at nakiusap na basahin munang mabuti ang inilalabas na report bago mag-react.