Manila, Philippines – Pinayuhan ni dating Senate President Nene Pimentel ang mga Millennials na huwag basta maniniwala o magpapadala sa mga sinasabi ng iba lalo na ng mga taong may mga pansariling agenda.
Sa briefing sa Malacañang ay sinabi ni Pimentel na dapat maging aral sa kabataan ang pinagdaanan ng bayan sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na nagdeklara ng Martial Law.
Binigyang diin ni Pimentel na hindi na dapat maulit ang mga pasakit na naranasan ng maraming Pilipino sa ilalim ng batas militar.
Kinontra naman ni Pimentel ang naging pahayag ni dating Senate President Juan Ponce Enrile kung saan sinabi nito na walang naaresto o mga napahirapan dahil lamang sa hindi pagsuporta sa mga Marcos.
Sinabi ni Pimentel, siya mismo ang nakaranas noong matapos siyang makulong sa high security detention center at pilit na pinapirma ng dokumento ng pagsuporta kay Marcos.
Binigyang diin pa ni Pimentel na kahit magulo pa ang bansa noon ay hindi dapat nagdeklara ng Martial Law ang dating Pangulo.