Manila, Philippines – Buo ang suporta ni Committee on labor Chairman Senator Joel Villanueva sa umiiral na deployment ban sa Kuwait.
Sa katunayan, nais ni Villanueva na huwag muna itong alisin hanggang hindi napapanagot ng Kuwaiti government ang pumatay kay Joana Demafelis na nakita ang bangkay sa loob ng freezer sa isang apartment sa Kuwait.
Dagdag pa ni Villanueva, dapat ding manatili ang deployment ban kung walang magbabago sa kafala system na ipinapatupad ng Kuwaiti government na nagbigigay ng lisensya sa mga employers doon na abusuhin ang mga Overseas Filipino Worker.
Kaugnay nito, ay iginiit naman ni dating Labor Secretary at ngayon ay Senate Minority Leader Franklin Drilon ang mahigpit na pagpapatupad ng Migrant Workers and Overseas Filipinos Act at iba pang labor laws para matuldukan ang pagpatay at pagabuso sa mga OFWs.
Diin ni Drilon, kung noon pa ay naipatupad ng istrikto ang mga labor laws ay hindi aabot sa napakalaking bilang ang mga kado ng pagpatay at pag abuso sa mga manggagawang Pinoy sa Kuwait at iba pang bansa.
Para kay Drilon, ang deployment ban na ipinapatupad ngayon sa Kuwait ay magsisilbing “stop-gap measure” lang.
Mas magiging epektibo aniya ito kung sasabayan ng mahigpit na implementasyon ng labor laws.