Manila, Philippines – Unti-unti nang namamatay ang ilang bahagi ng South China Sea na pinag-aagawan ng mga bansang umaangkin dito.
Ayon kay Asia Maritime Transparency Initiative Director Greg Poling, ito ay dahil sa patuloy na reclamation ng China at ng iba pang bansang umaangkin sa bahura.
Isa rin aniya ang dredging, pagkuha ng mga giant clam ng China at konstruksyon ng ibang claimant countries.
Sira na aniya ang nasa 160 square kilometers ng bahura kaya animnapung porsyento na ang ibinagsak sa huli ng isda sa loob ng dalawang dekada.
Mas maganda aniya kung magkakasundo ang mga claimant country na bantayan ang karagatan kung saan nakatayo ang kanya-kanyang outpost sa South China Sea.
Halimbawa, dahil may outpost ang Pilipinas sa PAGASA Island, titiyakin ng Pilipinas na walang sisira sa bahura sa paligid nito.
Pero sabi naman ni dating Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario – ang unang dapat kumbinsihin sa ganitong panukala ay ang Duterte administration.