Manila, Philippines – Umaasa si Senate Minority Leader Franklin Drilon na tatalakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte kay President Xi Jinping ang pagkabalam ng mga ipinangakong tulong pinansyal o pautang ng China para sa mga proyekto ng pamahalaan.
Diin ni Drilon, dapat masigurado ni Pangulong Duterte, na hindi mapapako ang mga pangakong loan at pamumuhunan ng China sa ating bansa.
Ayon kay Drilon, halos dalawang taon na ng ipatupad ng Administrasyong Duterte ang polisiya ng lubos na pakikipagkaibigan sa China pero hanggang ngayon ay wala pang pakinabang dito ang ating ekonomiya.
Diin ni Drilon, mahalagang matupad ang mga pangako ng China dahil halos nakasandal dito ang karamihan sa mga proyekto na nakapaloob sa Build, Build, Build program ng gobyerno.
Magugunitang pinabusisi na noon ni Drilon ang nabanggit na maka-Chinang polisiya ng Duterte Administration.
Idinahilan ni Drilon, na mas malaki pa ang pakinabang ng Vietnam sa China kahit ito ay matapang na pumapalag sa mga posisyon at hakbang ng China kaugnay sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.