Manila, Philippines – Para kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, band-aid solution o pansamantalang remedyo lamang sa krisis sa bigas ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagsalakay sa mga warehouse ng bigas.
Diin ni Drilon, ang kailangang gawin ng gobyerno ay pangmatagalang solusyon na magpapatatag sa sektor ng agrikultura tulad ng pagsuporta sa mga magsasaka.
Giit ni Drilon, maisasakatuparan ito ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagprayoridad sa irigasyon bilang pangunahing bahagi ng agricultural infrastructure na dapat bigyang importansya sa Build-Build-Build program.
Paliwanag ni Drilon, kinukulang ang suplay ng bigas sa pilipinas dahil hindi tinutukan ng gobyerno ang irigasyon na pinakamahalagang sangkap sa pagpapa-unlad ng agrikultura.
Tinukoy ni drilon na patunay ng pagkukulang ng pamahalaan sa irigasyon ang P11.2-billion na halaga ng Jalaur River Multi-purpose Project Phase II, na inabot ng 58-taon bago nakumpleto at ang Halog Dam sa Ilocos Norte, na inabot naman ng 30-taon bago natapos.