Libreng milk tea at bigas ang panghikayat ng lokal na pamahalaan ng Dapitan City sa kanilang mga residente para sila ay magpabakuna at magpa-booster shot.
Sa Laging Handa public press briefing, ipinagmalaki ni Dapitan City, Zamboanga del Norte Mayor Rosalina Jalosjos na sa kabuuang 69,000 na eligible population ng Dapitan City, tatlong libo na lamang sa mga ito ang kailangang mabakunahan.
Ayon kay Jalosjos, sa buong Zamboanga Peninsula, sila ang may pinakamataas na bilang ng mga residenteng nabakunahan at naturukan na ng booster shot.
Kaugnay nito, sinabi ng alkalde na matagal na silang nagpapatupad sa Dapitan City ng opsyonal na paggamit ng face mask kaya hindi na bago sa kanila ang kautusan ng national government para sa boluntaryong paggamit na lamang nito sa open area.
Sagana raw sila sa sariwang hangin dahil sila ay tabing dagat kaya mababa talaga ang kaso nila sa COVID-19.
Pero, nilinaw naman ni Mayor Jalosjos na naghihigpit pa rin naman sila sa paggamit ng face mask sa mga kulob na lugar, mga pampubliko at pribadong sasakyan at loob ng mga gusali.