Pinagunahan ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary John Castriciones at ang Minister ng Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MAFAR) na si Mohammad Yacob, ang paglagda sa pangako na susuportahan ang pamamahagi ng mga lupain na pagmamay-ari ng gobyerno sa Camp Keithley Military Reservation sa Marawi City, Lanao del Sur.
Ayon kay Secretary Castriciones, natutuwa umano sila sa suporta ng gobernador, mga alkalde, dahil magiging lehitimo na ang pagmamay-ari ng mga lupain ng mga magsasaka ng Marawi sa lupaing dapat ay napasakanila na ng matagal na panahon.
Paliwanag ng kalihim, ang mga lupang ito ay bahagi ng kanilang nakaraan at pag-aari ng kanilang mga ninuno, dapat lamang na ito ay maibalik sa kanila.
Ang Camp Keithley na isang lupang pag-aari ng pamahalaan ay ipamamahagi sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program sa pamamagitan ng Executive Order 75, series of 2019, na nagsasaad na ang lahat ng mga nakatiwangwang na pampublikong lupain ay maaaring kunin ng pamahalaan upang maipamahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Matatandaan na ang Camp Keithley ay dating base militar ng Estados Unidos.