Nagsagawa ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa lalawigan ng Sultan Kudarat ng dalawang araw na on-site mass insurance application sa mga Agrarian Reform Beneficiary (ARB) na may kasalukuyang mga tanim at livestock sa nasabing bayan.
Sa pakipagtutulungan sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), matagumpay na natulungan ng DAR ang aplikasyon sa insurance ng may 315 ARB kung saan 200 sa mga ito ay mula sa Barangay Datalblao at 115 ay mula sa Barangay Sinapulan.
Ayon kay OIC Provincial Agrarian Reform Program Officer II Mary Jane Aguilar, ang mga na-insure na magsasaka ay bahagi ng 7,300 ARB na layong bigyan ng insurance ng ahensiya sa taong ito upang mabigyang proteksyon ang kanilang mga agricultural asset tulad ng short and long term crops, livestock, fisheries at kanilang mga equipment.
Paliwanag pa ni Aguilar, sa pagpapatupad ng ARB Agricultural Insurance Program ay umaasa silang mabawasan ang panganib ng mga ARB sa kanilang sakahan dulot ng mga natural na kalamidad at iba pang hindi inaasahang pangyayari.
Ang ARB-AIP program ay nagsimula noong 2013 at hanggang ngayon ay nagkakaloob pa rin ng insurance sa mga ARB.