DAR Magkakaloob ng mga Titulo ng Lupa at Magpapawalang-Bisa ng ₱61.2-M Utang ng 1,026 ARBs sa Northern Mindanao

Cagayan de Oro City – May kabuuang 5,788 agrarian reform beneficiries (ARBs) mula sa iba’t ibang lalawigan ng Northern Mindanao ang tatanggap ng Emancipation Patents (EPs), Certificates of Land Ownership Award (CLOAs), electronic titles (E-titles), at Certificates of Condonation and Release of Mortgage (CoCRoMs) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa Miyerkules, Oktubre 22, sa Stakeholders’ Forum na gaganapin sa The Atrium, Limketkai Center, Cagayan de Oro City.

Pangungunahan ni Agrarian Reform Secretary Conrado M. Estrella III ang pamamahagi, kasama ang mga Undersecretary, Assistant Secretary, at iba pang mga opisyal ng kagawaran, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na mapalakas ang kabuhayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagmamay-ari ng lupa at kalayaan mula sa pagkakautang.

Sasaklawin ng pamamahagi ang kabuuang 6,235.23 ektarya ng lupang pansakahan—isang mahalagang hakbang sa pagpapatatag ng seguridad sa pagmamay-ari ng lupa at sa pag-angat ng kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka. Bukod dito, 1,026 ARBs ang mapapalaya sa kabuuang ₱61.26 milyon na utang sa lupa sa pamamagitan ng CoCRoMs, na sumasaklaw sa 1,446.07 ektarya—na magbibigay sa kanila ng panibagong simula upang pagyamanin ang kanilang lupain nang walang pasaning utang.

Panglalawigang Pamamahagi
• Bukidnon: 3,863 ARBs | 3,558.97 ektarya
• Camiguin: 158 ARBs | 79.94 ektarya

• Lanao del Norte: 263 ARBs | 534.20 ektarya
• Misamis Occidental: 686 ARBs | 646.60 ektarya
• Misamis Oriental: 818 ARBs | 1,415.53 ektarya

Buod ng Pamamahagi ng Titulo
• Regular EPs/CLOAs: 211 ARBs | 268.42 ektarya
• E-Titles (Project SPLIT): 4,551 ARBs | 4,520.74 ektarya
• CoCROMs (Pagpapatawad ng Utang): 1,026 ARBs | 1,446.07 ektarya | ₱61.26 milyon na pinatawad na utang

Ang inisyatibang ito ay bahagi ng patuloy na programa ng DAR upang tiyakin ang pagmamay-ari ng lupa ng mga magsasaka at mapawi ang kanilang matagal nang pasaning pinansyal. Kabilang ito sa pagpapatupad ng Support to Parcelization of Land for Individual Titling (SPLIT) Project na pinondohan ng World Bank, at ng Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act.

Binigyang-diin ni Secretaru Estrella na ang naturang aktibidad ay patunay ng dedikasyon ng administrasyong Marcos sa pagpapaunlad ng kanayunan at sa tunay na katarungang pang-agraryo.

“Nanatiling matatag ang administrasyong ito sa pangakong ipatupad ang tunay na repormang agraryo. Ang mga titulo at pagpapatawad ng utang na ito ay malinaw na patunay na kasama ng pamahalaan ang ating mga magsasaka sa pagbuo ng mas maunlad na kinabukasan para sa kanayunan,” ani Estrella.

Facebook Comments