Matatanggap ngayong araw ng may 1,582 Agrarian Reform Beneficiaries sa Zamboanga Peninsula ang kanilang Certificates of Land Ownership Award o CLOAs mula sa Department of Agrarian Reform (DAR).
Ayon kay Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, may kabuuang lawak na 2,653 ektarya ng mga lupang pang-agrikultura ang saklaw ng CLOA.
Mismong ang kalihim ang mangunguna sa pagkakaloob nito sa mga benepisyaryo mula sa mga lalawigan ng Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur at Zamboanga del Norte.
Paliwanag ni Estrella, inaapura nila ang hakbang na ito, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr,. na pahusayin ang sektor ng agrikultura sa kanayunan.
Bukod sa pamamahagi ng lupa, magkakaloob din ang DAR ng ₱8.6-milyong halaga ng support services, tulad ng kagamitang pangsaka, makinarya at pasilidad na makakatulong sa mga magsasaka na maging produktibo ang kanilang mga sakahan.