Naglatag na ng mga alituntuning pang-kaligtasan na kailangang sundin ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa ilalim ng ‘new normal’.
Ito’y upang maiwasang mahawa o makahawa ang mga manggagawa ng kagawaran habang sila ay patuloy na nagtatrabaho at patuloy ang paglaganap ng pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay DAR Secretary John Castriciones, sa ilalim ng alituntunin, ang mga sumusunod ay kailangang sundin sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ):
Ang lahat ng tanggapan ng DAR ay hindi bubuksan sa publiko; lahat ng opisyales at empleyado ay magtatrabaho sa kani-kanilang tahanan; o kaya ay bibigyan ng alternatibong pagsasaayos ng mga gawain.
Ang lahat ng magtatrabaho na kasama sa skeleton force ay kailangang sunduin at ihatid ng sasakyang itatakda ng opisina; ang lahat sa skeleton team ay bibigyan ng personal protection equipment (PPEs) gaya ng face masks, alkohol, gwantes, at iba pa.
Para naman sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ), ang lahat ng tanggapan ng DAR ay bubuksan sa publiko, mula umaga hanggang hapon, maliban na lamang kung ang oras ay iigsian ng pinuno ng opisina o babawasan ang araw ng pagpasok sa trabaho dahil sa regulasyon sa social distancing o iba pang maaaring maging dahilan. Ito ay kailangang aprubahan ng Kalihim ng DAR.
Ayon pa rin sa gabay, ang lahat ng pinuno ng opisina ng DAR ay kailangang magbuo ng protocol committee na siyang magsisiguro na ang lahat-lahat ng mga alituntunin ay sinusunod.
Sisiguruhin din ng komite na ang lahat ng mga pasilidad, kagamitan, mga gamit sa pang-disimpekta, mga PPEs at iba pang pangangailangan ay mananatiling may mapagkukuhanan.