
Mas pinalakas ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pagtulong sa pagpapanatili ng kalinisan at katatagan ng Carood Watershed, isang mahalagang pinagkukuhanan ng tubig para sa mga kabahayan, irigasyon, at agrikultura sa pitong bayan sa silangang bahagi ng Bohol.
Bilang tugon, nakilahok ang DAR Bohol sa reforestation sa ilalim ng programang “Trees For Unity” na inilunsad noong Nobyembre 2022, katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Bohol at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon sa DAR mahalaga ang pagtatanim ng puno upang mapigilan ang pagguho ng lupa, mapanumbalik ang likas na yaman, at mapanatili ang sapat na suplay ng tubig sa mga ilog at dam na nagsusuplay sa mga sakahan at komunidad.
Nakatutulong din ito upang maiwasan ang pagbaha at tagtuyot, gayundin ang mapanatiling balanse sa kalikasan.
Bahagi pa rin ito ng pakikiisa ng DAR sa National Convergence Initiative for Sustainable Rural Development, isang inter-agency program ng pamahalaan na layuning isulong ang pag-unlad sa kanayunan, masaganang agrikultura at pangangalaga sa kalikasan sa mga tinaguriang convergence areas gaya ng Carood Watershed.
Paliwanag pa ng DAR na sakop ng Carood Watershed ang mahigit 20,400 ektarya ng lupa sa mga bayan ng Alicia, Anda, Candijay, Guindulman, Mabini, Pilar at Ubay.
Sa kabila ng kahalagahan nito, nanganganib ang mga lugar mula sa soil erosion, pagbaha, at maling paraan ng pagsasaka.









