Nakiisa ang Department of Agrarian Reform Pangasinan sa selebrasyon ng Nutrition Month na may temang “Malnutrisyon patuloy na labanan, first 1,000 days tutukan”.
Isa sa mga programa ng kagawaran ay direkta na tumututok sa nutrisyon at ito at ang Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP).
Sa ilalim ng programa na ito, inilalapit naturang ahensya sa mga agrarian reform beneficiary organization (ARBO) ang iba-ibang institutional buyer tulad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Department of Education (DepEd) na bultuhang bumibili ng mga gulay at iba pang produkto.
Simula September 2020, nakabenta ng mga gulay na nagkakahalagang P182,940.00 ang apat na ARBO mula Alcala (Gualsic Agricultural Cooperative), Tayug (Evangelista Agrarian Reform Cooperative), Calasiao (Aliguas Dumaralos na Buenlag), at Umingan (Umingan Carosalesan Irrigators Consumers Cooperative) sa iba’t-ibang opisina ng BJMP sa probinsya.
Ngayong taon naman nagsimula nang mag-supply ng Dairy Box carabao milk, Milky Bun bread, at assorted fruits ang Bantug Samahang Nayon Multi Purpose Cooperative (Asingan) sa iba-ibang DepEd schools division office.
Umabot na sa P8,482,810.00 ang gross sales nito. 44 na agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa mga nabanggit na ARBO ang nakikinabang sa EPAHP ng DAR Pangasinan. Bukod sa nakakasiguro ang mga magsasaka na may bibili ng kanilang mga produkto, nabibigyan pa ng sariwa at masusustansyang pagkain ang mga consumer nito.