Umalma si Agrarian Reform Secretary John Castriciones sa pag-upak ng mga militanteng grupo ng mga magsasaka sa Department Order(DO) para sa Land Use Conversion Applications.
Kasunod ito ng pahayag ng kilusang magbubukid ng Pilipinas na gustong ibenta ng gobyerno ang mga lupang sakahan kaya pinamamadali ang conversion ng mga lupa na agrikultural patungong komersyal at industriyal.
Ayon kay Castriciones, malisyoso ang pagbansag ng KMU na anti-farmer ang DAR Administrative Order(AO) No. 1, series of 2019.
Sa katunayan, ang intensyon aniya ng Administrative Order ay maproteksyonan ang agricultural lands mula sa walang pakundangan o hindi dumadaan sa tamang proseso na pag convert ng mga lupang agrikultural para gamitin sa layuning pang komersyal.
Sa ilalim ng bagong AO, mawawala na ang umiiral na Automatic Approval sa halip, ang mga aplikasyon ay sasailalim sa masusing evaluation.
Inaantay na lamang ng DAR ang pagsasapinal ng joint memorandum circular ng binuong inter-agency committee at ng CARP implementing agencies para sa guidelines ng ipatutupad na processing ng mga aplikasyon ng Land Use Conversion.