Nakikiusap si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Bernie Cruz sa ilang pulitiko at ibang grupo na huwag gamitin ang mga magsasaka para isulong ang kanilang interes.
Sa halip, hinimok ang mga ito na pagtulungang resolbahin ang problema para sa food security ng bansa.
Pahayag ito ng kalihim sa inilabas na statement ni Vice President Leni Robredo na hindi na sana nanghimasok ang mga pulis at hinuli ang mga magsasaka sa Hacienda Tinang sa Tarlac kamakailan dahil mapayapa raw ang kanilang pagtitipon.
Sabi ng kalihim, sana nag-imbestiga muna ang bise presidente at nalaman ang totoong nangyari bago naglabas ng pahayag.
Hindi basta mga magsasaka ang pumasok sa hacienda kundi may mga kasamang estudyante, dayuhang indibidwal at iba pang grupo at sinira ang may apat na ektaryang lupain sa pamamagitan ng pag araro.
Intensyon umano ng grupo na kaalyado ng makakaliwang grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na mag udyok ng kaguluhan.
Sa halip din aniya na idulog sa DAR ang usapin ay dinala nila ito kay VP Robredo.