Naaresto na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang mastermind sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe na si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo.
Sa interview ng RMN Manila kay bagong PNP Spokesman Senior Superintendent Bernard Banac, sa bisa ng search warrant, naaresto si Baldo sa kanyang bahay sa Barangay Tagas.
Ayon kay Banac, bukod sa kaso ng pagpatay kay Batocabe, naaresto rin si Baldo dahil sa kasong illegal possession of firearms.
Nakumpiska sa pag-iingat ni Baldo ang ilang hindi lisensyadong baril tulad ng dalawang cal. 45 pistol, mga bala at grenade launcher.
Kaugnay nito, pinaalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mambabatas na ibigay na ang ₱30 million na reward money sa nagturo sa pumatay kay Batocabe.
Biro pa ng Pangulo sa mga mambabatas, may mga potensyal na ‘boksingero’ sa Kamara lalo at laging naka-sarado ang kanilang kamao na tila ayaw ibigay ang pera.
Bukod kay Baldo, nasa kustodiya na ng PNP ang anim na suspek sa pagpaslang sa mambabatas na pawang mga dating sundalo at rebeldeng grupo.