Daraga Mayor Baldo na suspek sa pagpatay kay Cong. Batocabe, arestado ng PNP-CIDG

Napasakamay na ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si Daraga Mayor Carlwyn Baldo, ang isa sa mga co-accused sa pagpatay kay AKO BICOL partylist Cong. Rodel Masigan Batocabe at police escort nito na si Police Senior Master Sergeant Orlando Diaz noong December 2018.

Sa ulat mula kay CIDG Director PMGen. Leo Franciso, inaresto si Baldo sa bisa ng warrant of arrest dahil sa dalawang bilang ng kasong murder na inilabas ng korte.

Nahuli si Baldo ng mga awtoridad kaninang 12:45 ng madaling araw.


Paliwanag ni Franciso, mula nang ma-activate ang Special Investigation Task Group BATOCABE hindi nila tinantan ang pagtutok sa kaso mula sa filing ng murder case laban kay Baldo at lima pa nitong co-accused hanggang sa ito ay maaresto.

Tiniyak naman ng CIDG na maayos at lehitimo ang kanilang operasyon dahil suot nila ang PNP issued body worn cameras sa pag-aresto sa suspek.

Facebook Comments