Direktang tinuro ni PNP Chief Police Director Oscar Albayalde si Daraga Albay Mayor Carlwyn Baldo na pangunahing suspek sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe.
Aniya, lumabas ito sa ginawang imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task group Batocabe, CIDG at PNP Intelligence Group.
Lumalabas pa sa imbestigasyon na napilitang sumuko ang trusted security aide ni Mayor Baldo na si Christopher Naval alyas “Tuping” noong December 30, 2018 dahil sa walang tigil na operasyon ng PNP.
Sa Pagsuko ni Naval nakapagbigay ito ng mga mahahalagang impormasyon at sinabing buwan pa lamang ng Agosto ay pinaplano na ang pagpatay kay Cong. Batocabe.
Sumunod namang sumuko ang isang Emmanuel Bonita Judavar na ngayon ay nagsisilbing witness ng PNP.
Hindi kasi nakasama si Judavar sa actual execution kay Cong. Batocabe dahil nag backed out ito sa grupo.
Inamin ng dalawa na nagoffer si Mayor Baldo ng 5 milyong piso para patayin si Cong. Batocabe na nagbigay na aniya ito inisyal na 250,000 para pambili ng baril at motorsiklo.
Sina Naval at Judavar ay kapwa mga dating miyembro ng Philippine Army.
Natukoy naman ang iba pang mga suspek na kabilang sa pagpatay na sina Henry Yuson alyas “Romel” at Eno dating miyembro ng New People’s Army na siyang nagsilbing gunman gamit ang 40 caliber pistol.
Rolando Arimado alyas “RR” dating miyembro ng NPA, nagsilbing back up gun man, Emmanuek Rosello alyas “Boboy” dating CAFGU member na nagmaneho ng getaway motorcycle. Naaresto ito kaninang umaga sa Daraga Albay.
At isa pang Jaywin Babor alyas “Jie” dating miyembro ng Philippine Army.
Ang mga suspek ay naka-payroll sa tanggapan ni Mayor Baldo.
Kaninang umaga ay sinampahan na ng double murder at six counts ng Multiple frustrated murder ang mga suspek kabilang na si Mayor Baldo sa Provincial Prosecutor Office ng Albay.
Sa ngayon, naghihintay ang PNP ng warrant of arrest para arestuhin ang mga nakakalaya pang mga suspek.