“Dark horse,” posibleng sumulpot sa speakership race – Panelo

Posibleng pumili ang mga kongresista ng bagong leader sa 18th Congress kapag nayamot ang mga ito sa alitan nina Incumbent Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Sa kanyang programa, sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, posibleng magkaroon ng ‘dark horse’ sa speakership race dahil sa patuloy na girian nina Cayetano at Velasco hinggil sa term-sharing deal na inendorso sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Panelo, ang mga mambabatas na kasalukuyang neutral sa isyu ay maaaring ideklarang bakante ang mataas na posisyon sa Kamara at maglikom ng boto para baguhin ang naunang resulta ng botohan sa leadership race.


“Alam ninyo ang problem nito ganito, baka sa confusion nitong nasa gitna na obviously ‘yung nasa gitna ‘yun yata ang may mga boto, sila magdedesiyon. Baka naman bigla na lang magkaroon ng i-declare na bakante ‘yung upuan at magbotohan at baka pareho kayong mawala, ‘yung dalawang nagtatagisan at iba ang lumabas,” sabi ni Panelo sa kanyang programang “Counterpoint” nitong Biyernes.

Hinimok ni Panelo sina Cayetano at Velasco na resolbahin ang kanilang gusot dahil posibleng mauwi lamang ito sa wala.

“Ayusin ninyo ‘yan. Importante maging, pareho kayong maginoo otherwise baka maainis sa inyo ang miyembro na, mga kasamahan ninyo. Mamaya magdesisyon sila na magbotohan kayo, pare-pareho kayong mawala diyan,” ani Panelo.

Nanawagan si Panelo sa Kamara na ipasa ang 2021 national budget.

Facebook Comments