Ngayong Pasko ay nanawagan si Senator Leila de Lima sa mamamayang Pilipino na ipakita ang pagmamahal at pagdamay sa kapwa.
Sabi ni De Lima, ito rin ang pagkakataon para pasalamatan ang Diyos sa biyaya ng buhay sa kabila ng mga pagsubok at hirap na ating hinaharap.
Ayon kay De Lima, hindi maiiwasan ang mga hamon sa ating buhay tulad ng pagkaulila sa mga mahal sa buhay dahil sa marahas at hindi makatarungang polisiya, pagdating ng pandemya at pananalasa ng sakuna, tulad ng Bagyong Odette.
Diin ni De Lima, kahit palaging may agam-agam at pangamba ay sa pananampalataya nagbubukal ang tatag at lakas ng loob, lalo na kung may karamay at kasamang umaalalay para bumangon sa trahedya.
Dahil dito ay iginiit ni De Lima na mahalagang ipagdasal natin ang bawat isa, habang nagpapasalamat sa kaloob na buhay at mga biyaya ng Maykapal.