Manila, Philippines – Asahan na ang muling pagbabago sa settings ng social media website na Facebook, bilang parte ng kanilang kampanya sa mas mahigpit na panuntunan sa data access.
Ito ay matapos aminin ng Chief Executive Officer ng kompanya na si Mark Zuckerberg na hindi 50-milyon, kung hindi 87-milyon nitong users ang maaaring umanong nabiktima ng data breaching o nanakawan ng mga confidential na mga impormasyon ng data firm na cambridge analytica.
Ayon kay Chief Technology Officer Mike Schroepfer, simula lunes, april 9 ay maglalabas na ng advisories ang kompanya hinggil sa personalized setting ng ibang applications na nais nilang naka-connect sa Facebook.
Ilan sa mga mahahalaga umanong pagbabago sa settings ay ang paghihigpit sa panuntunan ng pagpo-post ng mga scheduled events at pagbuo ng group/individual pages, kung saan lahat ng ito ay dadaan sa approval ng kompanya bago payagan.