Ikinababahala nang lubos ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate na maapektuhan ang 2022 election kasunod ng “data breach” sa server ng Commission on Elections (COMELEC).
Nito lamang weekend ay nagawa ng mga hacker na pasukin ang system ng COMELEC kung saan na-i-download ng mga ito ang mahigit sa 60 gigabytes ng data na naglalaman ng usernames at pin ng mga Vote Counting Machines (VCM).
Umapela si Zarate sa Kamara na maimbestigahan nang husto ang nangyaring data breach lalo’t ito ay makakakompromiso sa integridad ng May 9 national at local elections.
Bukod sa seryoso itong usapin, makukwestyon din ang kredibilidad ng halalan sa bansa kung ang isyung ito ay hindi agad matutugunan.
Dagdag pa ng kongresista, ang nasabing hacking ay mistulang ‘deja vu’ sa 2016 Comeleaks kung saan personal data records naman ng mga botante ang nakompromiso.