Iginiit ni Committee on National Defense and Security Vice Chairperson Ruffy Biazon na hindi dapat itago sa Data Privacy Act ang pagkasawi ng high-profile inmates sa COVID-19.
Paliwanag ni Biazon, kung mayroon mang mag-i-invoke ng data privacy ay dapat na manggaling ito sa mismong subject o taong sangkot o kaya naman ay sa pamilya nito.
Sa kaso aniya ng mga namatay na mga drug lord, habang nasa kulungan ay hindi dapat tinatago ang impormasyon sa publiko.
Karapatan aniya ng pamilya ng nasawi at mga mamamayan na malaman ang nangyari sa pagkamatay ng mga ito sa loob pa mismo ng government facility.
Malinaw rin sa Republic Act 10173 na hindi kasama sa data privacy ang mga mahahalagang impormasyon tulad ng pagpoproseso ng personal data para sa pagtupad ng kanilang mandato.
Dahil dito, wala aniyang dahilan ang Bureau of Corrections (BuCor) para itago ang impormasyon ng mga high-profile inmates na nasawi sa ilalim ng kanilang kustodiya.