Pinasalamatan ni Senador Richard Gordon si National Privacy Commission (NPC) Commissioner Raymund Liboro para sa paglilinaw nito na hindi maaaring igiit ang Data Privacy Law sa pagtangging dumalo sa mga legal proceeding.
Ayon kay Gordon, hindi maaaring iwasan o tanggihan ng mga iniimbitang resource person ang subpoena na dumalo sa Senate hearings.
Sa ngayon, hindi pa rin naisisilbi ng Office of Senate Sargeant at Arms (OSAA) ang arrest order laban sa Pharmally officials na sina Mohit Dargani at Twinkle Dargani.
Matatandaang nakaraang linggo nang ipag-utos ng Senate Blue Ribbon Committee ang pag-aresto at pagditine sa magkapatid na Dargani dahil sa pagtanggi ng mga ito na ibahagi ang ilang financial documents.
Patuloy naman ang pagtulong ng Philippine National Police (PNP), mga barangay official maging ang mga subdivision at condo administrative staff para mahanap ang magkapatid.
Nitong Lunes, pinuntahan ang bahay pero base sa informant, wala pa ring tao at walang nakakaalam kung sino ang nakatira dahil pinaupahan na.