Hinimok ng National Privacy Commission (NPC) ang bawat establisyemento na magtalaga ng data protection officer para maingatan ang impomasyong nakukuha sa contact tracing form.
Ayon sa NPC Commissioner Raymund Liboro, karapatan ng bawat kostumer na hingin o hanapin ang privacy notice sa bawat form na kanilang fini-fill out o pinipirmahan.
Aniya, doon dapat nakalagay kung para saan, para kanino lamang at paano gagamitin ang hinihinging data.
Paliwanag pa ni Liboro, kung manual na contact tracing form pa ang gamit, kailangan itong sirain o sunugin ng mga establisimyento matapos ang 30 araw.
Kung pinasusulat naman aniya sa log book ang mga customer, mainam na takpan ang mga nasulatan para hindi magamit o mabasa ang data ng kung sino man.
Kasabay nito, umapela ang NPC sa pamahalaan na rebisahin pa ulit ang guidelines o ang mga kailangan lamang na impormasyong hihingin sa mga kostumer na mapakikinabangan talaga sa contact tracing.