Maaari nang ma-access ng Commission on Elections (COMELEC) ang computerized data system ng Philippine National Police (PNP).
Ito ay matapos lagdaan ang data sharing agreement sa pagitan ng pambansang pulisya at poll body.
Layon nitong mas epektibong ma-monitor ang mga kaganapan sa buong bansa sa darating na Barangay at Sanguniang Kabataan Elections (BSKE) sa ika-30 ng Oktubre.
Sa pamamagitan ng kasunduan, magkakaroon na ng access ang COMELEC sa datos ng PNP na may kinalaman sa PNP Personnel Deployment, Surrendered Firearms, Voting Center Assistance, Election Status, Candidates, Party-lists, Voting Center, Treasurer’s Office, Unlawful Election Materials, Gun Ban Details and Violations, at iba pang kritikal na datos na may kaugnayan sa eleksyon.
Ayon kay PNP Chief PGen. Benjamin Acorda, sa pagtutulungan ng PNP at COMELEC ay tinitiyak nila ang ligtas, tapat at maayos na eleksyon 2023.