Data validation ng COVID-19 cases, may 12 araw na backlog o delay ayon sa DOH-Epidemiology Bureau

Inamin ni Dr. Alethea De Guzman ng Epidemiology Bureau na halos dalawang linggo ang backlog o delay ng release ng data kaugnay sa COVID-19.

Sa virtual meeting ng Kamara, nakwestyon ni Health Committee Chairman at Quezon Representative Angelina “Helen” Tan kung gaano ka-delay ang pagproseso ng data sa confirmed COVID-19 cases bago ito mailabas sa publiko.

Ayon kay De Guzman, mula sa onset na maipasa ang data hanggang sa matanggap nila ang kumpirmadong impormasyon ay umaabot ito ng humigit kumulang 12 araw.


Aminado si De Guzman na malaking hamon para sa kanila na makuha ang real-time data sa mga naitatalang kaso ng Coronavirus dahil paper-based ang documents at maraming channels o tanggapan pa itong pinagdadaanan.

Hindi aniya magkakaroon ng delay sa release at validation process ng COVID-19 cases kung may information system na kung saan sa pagpasok pa lang ng laboratory at case data sa system ay agad na itong maipapasa sa Local Government Units, regional at central office.

Pero, iginiit naman ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na gumagawa na ng paraan ang DOH sa tulong ng World Health Organization (WHO) at private sectors para magkaroon ng data based system upang mapabilis ang pagpapasa ng impormasyon sa COVID-19.

Facebook Comments