Hinikayat ni Ways and Means Chairman Joey Salceda ang pamahalaan na ayusin muna ang database ng national vaccination bago magpatupad ng mga mahihigpit na kautusan tulad na lamang ng “No vax, No ride” Policy.
Tinututulan ng kongresista ang polisiya dahil malinaw sa RA 11525 na hindi maaaring gawing requirement ang vaccination certificate para maka-avail ng government services.
Ayon kay Salceda, dahil hindi pa rin maayos ang database ng national vaccination ay mababalewala ang hangarin ng polisiya dahil maaaring gumamit ang isang unvaccinated person ng fake certificate na kunwari ay mula sa Local Government Unit (LGU) para makalabas at makasakay ng public transportation.
Kung tutuusin aniya, ang kanyang first dose ay hindi pa rin naitatala sa online vaccination certificate.
Punto pa ng mambabatas, nasa 58 million pa ang walang bakuna sa bansa kaya kung lilimitahan ang paggalaw ng mga ito ay hindi rin natin pinapayagan ang ekonomiya na mag-operate.
Sa halip aniya na magpatupad ng mahihigpit na polisiya ay kailangang kumilos ang pamahalaan hanggang sa LGUs na matiyak na lahat ng mga nais magpabakuna ay mababakunahan lalo na ang mga mahihirap.